INTERNET: BAHAGI NA NG BUHAY NG MGA KABATAAN

     Sa kasalukuyang panahon na kinabibilangan natin ngayon, ang paggamit ng internet ay talamak sa mga kabataan lalong lalo na sa mga mag-aaral .Ang pagiging uso nito sa mga kabataan ay may iba't ibang dahilan at nagkaroon ng mga epekto sa pang-araw-araw nilang pamumuhay.
     Ayon kay M. R. Magnaye (2016), ang internet ay isang sistema na ginagamit ng buong mundo upang mapagkonekta ang mga kompyuter o grupo ng mga kompyuter na dumadaan sa iba't ibang klase ng telekomunikasyon katulad ng linya o kable ng telepono, satellites at ibang komunikasyon na hindi gumagamit ng kable (wireless) na kung saan ang mga iba't ibang impormasyon ay mapaparating at mababasa ng publiko.
     Ang mga dahilan ng mga mag-aaral kung bakit sila gumagamit ng internet ay para mangalap ng mga impormasyon, madagdagan ang mga kaalaman na may kinalaman sa paaralan at maghanap ng mga kasagutan sa mga asignatura. Ayon kay A. Palbacal (2018), sinabi niya na napakalaki ng naitutulong ng internet sa trabaho lalong lalo na sa edukasyon. Kung noon ay kinakailangan pang pumunta ng mga mag-aaral sa silid-aklatan para maghanap ng mga impormasyon sa mga takdang-aralin o nais malaman, mas mabilis ngayon ang proseso gamit ang internet. Itatype lamang nila ang mga nais nilang hanapin, lalabas na agad ang kanilang mga hinahanap na kasagutan. Kahit walang libro na mapapaghanapan ng sagot, maaari pa ring maghanap ang mga mag-aaral sa mga site na pwedeng punatahan para makatulong sa pag-aaral. Napapagaan nito ang mabibigat na gawain at isa pang benepisyo ay mas nakakatipid ito sa oras. Sa panahon ngayon, nauuso na rin ang mga internet quiz o test na napakalaking tulong sa mga mag-aaral kagaya n'ya. Nakakatulong ang mga internet quiz sapagkat naeehersisyo ang mga utak ng mga mag-aaral. Dahil rin dito, napapalalim pa ang mga kaalaman sa mga nakakalap na impormasyon na hindi pa lubos nalalaman ng nakararami.
     Isa pang dahilan kung bakit gumagamit ng internet ang mga kabatan ngayon ay sa pagnenegosyo. Sa panahon ngayon, talamak na ang pagbebenta sa mga online shop ng mga bagay na kailangan sa pang-araw-araw na buhay o mga kagustuhan ng nakararami. Marami na tayong nakikitang mga nagbebenta sa iba't ibang Social Media tulad ng Facebook, Instagram, Twitter at iba pa. Sa pagbebenta nila rito, mas nagiging trend at lumalaki ang popularidad ang nakukuha nila sa produkto. Ayon kina John Bessant at Joe Tidd (2015), ang negosyo sa bagong henerasyon ay mas mainam kung ginagamitan ng teknolohiya. Ang paggamit ng teknolohiya gaya ng internet ay nakakatulong upang mas umangat ang negosyo sa ibang mga kakompetensya nito. Sinasabi rin sa librong "Innovation and Entrepreneurship" na kailangang gumamit ng makabagong pamamaraan sa negosyo sa panahon ngayon, isa na nga dito ang paggamit ng internet. Nagbigay din ang libro ng iba't ibang paraan para sa mga negosyante, upang mapatakbo ng maayos ang negosyo. Isa sa mga paraan ay ang sapat na kaalaman sa paggamit ng internet, dapat pag-aralan din ng mabuti ang takbo ng negosyo sa internet bago ito pasukin. Sa panahon ngayon, ang teknolohiya ay isang paraan at daan na ginagamit na rin para sa pag-unlad ng isang negosyo (Boyet et.al, 2010).
     Ayon sa pananaliksik ni D. Blanco sa paaralang Luyos National High School (n.d.), 78% (pitumpu't walong porsyento) ng mga mag-aaral ang nagsabi na ginagamit nila ang internet bilang pangkasiyahan. Ayon kay Faintheart (2012), hindi lamang pga-aaral ang inaatupag ng mga mag-aaral ngayon, maging ang paglalaro ng mga internet games. Naeengganyo sila na maglaro ng mga ito sapagkat magaganda at makukulay ang mga character na ginagamit sa mga ganitong uri ng laro. Karagdagan sa pangkasiyahang dahilan, nakakapanood sila ng mga bidyu na kanilang gustong panoorin na minsa'y nakaka-relate sila sa mga palabas na kanilang pinapanood.
     Sa paggamit ng internet ng mga kabataan, nagdudulot ito ng iba't ibang epekto sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Kung may magandang naidudulot ito sa kanila, mayroon din itong masamang naidudulot. Una rito ay hindi na nila napapahalagahan ang pagbabasa ng mga libro bilang reperensya at kasagutan sa mga asignatura. Sinasabing kasaya ito sa orasdahil bago pa mahanap ang hinahanap at kinakailangan, maraming proseso pa ang kailangang pagdaanan, maraming mga salita at pangungusap pa ang kailangang basahin bago makamit ang minimithing kasagutan ng mga mag-aaral. Ayon muli kay Faintheart (2012), dahil sa pagiging kampante ng mga kabataan lalo na ang mga mag-aaral na nasa internet na lahat ng mga dapat kailangan, tatamarin na silang aralin ang mga leksyon sa paaralan. Karagdagdan, sinabi nnya rin na hindi lahat ng naka-post sa internet o hindi lahat ng mga nahahanap na source sa internet ay reliable o mapapagkatiwalaan.
   Pangalawa, mas napapabayaan nila ang kanilang pag-aaral dahil mas nahuhumaling silang maglaro ng mga online games. Sa akda ni De Castro (2012) na pinamagatang "Computer Games: Nakakatulong ba o nakakasira sa pag-aaral?", tinutukoy na ang computer games ay nagdudulot ng pagkasagupa o adiksyon sa mga bata. Dahil sa pagkasagupa ng mga bata sa computer games, nakakalimutan na nila ang dapat nilang gawin sa araw na iyon at nasasayang lang ang kanilang oras sa paggugol doon imbes na bigyang pansin ang mga makabuluhang bagay katulad ng lang ng pag-aaral at pakikisalamuha sa iba ("Ang Naidudulot ng Paglalaro ng Online Games", n.d.).
     Pangatlo, sa halip na pag-aaral ang kanilang inaatupag, nakakapagbukas sila ng iba't ibang mga site na may kinalaman sa pornograpiya, scandal at iba pang di-kaaya-ayang site. Ayon sa pananaliksik ni J. Pidlaoan (n.d), dahil sa paggamit ng teknolohiya gaya ng internet, nakakapanood ang mga kabataan kahit ang mga bata ng mga pornograpiyang nakalagay sa isang website o marami pa.
     Pang-apat, nagiging sanhi ito ng iba't ibang panunukso na tinatawag na Cyberbullying at ang pagiging judgmental ng mga tao. Magkamali man ng isang salita o pagtatype ng letra, agad na ikaw ay pag-uusapan ng nakararami. Ayon sa artikulong "Positibo at Negatibo na Epekto ng Internet" (2016), imbes na leksyon sa klase ang isinasaliksik, may mga bagay na walang kahulugan gaya na lamang ng pagpopost ng mga walang kahulugan na mga litrato at chismis na makasira sa proseso ng pagsasaliksik ng isang tao.
     May iba't iba pang negatibong epekto ang naidudulot ng internet. Ngunit, para maiwasan ang mga ganitong uri ng epekto, maaari naman itong mabago depende kung ang mga tao ay may sapat na kaalaman sa paggamit nito. Upang maiwasan ang ganitong uri ng problema, maging responsable, disiplinado at maging matalino sa paggamit ng internet. Huwag abusuhin at lagyan ng limitasyon ang lahat ng ginagawa.
     Sa kabuuan, ang internet ay bahagi na ng buhay ng mga tao lalong lalo na sa mga kabataan at mag-aaral. May masama o mabuti man itong epekto, patuloy pa rin ang paggamit nito. Kaya bilang isang tao, kabataan, mag-aaral at mamamayan, maging responsable at displinado ang bawat isa sa paggamit ng internet.

Comments